Katatapos lamang ng laban ni Pacquiao kay Clottey pero hindi ko ito pinanuod dahil wala akong maramdamang excitement. Hindi ko kasi masyadong kilala si Clottey, hindi siya ganuon ka-popular sa mga taong hindi naman talaga fanatics ng boxing.
Mga ilang araw matapos ang laban ay nabanggit ng aking giliw, na nanuod ng laban, na si Arnel Pineda ang kumanta ng Pambansang Awit. Aba, fan yata ako ni Arnel, kaya dali dali kong pinanuod ang awit niya sa youtube. Alam kong lahat ng kanyang public appearances ay nasa youtube. Hindi nga ako na-disappoint dahil naka upload agad ang kanyang kanta.
Na-disappoint ako sa kanyang pagkakaawit ng Lupang Hinirang. Unang-una, gusto ko ang original na kumpas nito, martsa,s imple at madamdamin. Satisfied na ako duon. Pangalawa, may tamang paraan ng pag-awit nito na naaayon sa alituntunin na ipinalabas ng National Historical Institute (NHI). Gaya ng nasabi ko kuntento ako sa original na tono at kumpas nito.
Gaya rin ng maraming singers na umawit sa sikat na laban ni Pacquiao, iniba nila ito. Nauunawaan ko ang karapatan ng mga mang-aawit na kumanta ng ayon sa kanilang interpretasyon. Pero ang Lupang Hinirang ay hindi basta awit na naririnig sa radyo. Ito ay pambasang awit ng Pilipinas na dapat ay kantahin ayon sa alituntuning pinagtibay. Naa-appreciate ko and effort na ginawa ng mga mang-aawit na kinanta ito ng may damdaming makabayan, ngunit hindi ito sapat. Kailanggang bigyan ito ng pagpapahalaga at paggalang sa pamamagitan ng pagsunod sa alituntunin.
Tagahangang tunay ako ni Arnel. Walang upload sa youtube na hindi ko sinubaybayan. Tuwing matatapos ang kanyang summer tour sa America ay nalulungkot ako ng mahabang panahon dahil ang mga uploads niya ay mangilan ngilan lamang na TV guestings sa Pilipinas. Pero aaminin ko, hindi ko nagustuhan ang kanyang rendition ng Pambansang Awit.
Matapos nuon ay na-curious akong panuorin ang iba pang kumanta ng Lupang Hinirang sa laban ni Pacquiao. Marami sila para banggitin. Lahat ng napanuod ko, binago ang tono, maliban yata kay Lea Salonga. Pero hindi pa rin ako sigurado dahil hindi ko naman masydong kabisado ito. Pero nanduon and paggalang ko kay Lea dahil pakiramdam ko iginalang niya ang Lupang Hinirang. Magagaling silang lahat bagamat may mga nasintunado. Ngunit ang aking batayan ay kung gaano ito kalapit sa orihinal kung kayat pag pinakikinggan ko sila ay sumasakit ang aking dibdib lalu na sa bandang huli kapag sila ay bumibirit. Walang dudang karamihan sa kanila ay kayang bumirit. Magagaling talaga, pero hindi iyon ang hinahanap ko.
Napanganga lang ako ng si Regine Velasquez ang kumanta. Iniba at binirit ang Pambansang Awit pero lalo ko itong naramdaman. Nangilid ang aking luha habang pinakikinggan ko siya. Hindi niya ako tagahanga kaya hindi ko alam na ganun siya kagaling. Naalala ko si Lea Salonga kung paano niya inawit ang “Ang Bayan kong Pilipinas” (tama ba title?) at kung paano niya lamunin ang mga mang-aawit sa lamay ni Cory Aquino. Dito ako humagulgol sa napakagaling na rendition sa isang awit na gasgas na sa aking pandinig pero binuhay niyang muli buhat sa hukay ng pagkakahimlay at nagmistulang resureksyon ng isang santo. (Nagiging makata po ako kapag akoy natutuwa’t nadadala ng aking emosyon.)
Bumalik tayo kay Regine Velasquez, sa kanyang pagkakaawit ay naiba ang aking pamantayan. Dito ko na-realize pwede naman palang baguhin ang tono at kumpas, siguraduhin mo lang na mas epektibo ito sa orihinal. Paumanhin sa mga singers at paumanhin po NHI.
Leave a reply