Pinoybiz
Pinoy singer, wagi sa Austria; Bunevacz, makakauwi na sa Pinas?
MINSAN pang pinatunayan ng Filipino na siya ay natatangi sa buong mundo at ito ang naganap sa buhay ng isang Vincent Bueno na mula sa kung saan ay biglang sikat.
Sumali si Vincent sa Austrian Songfest sa Austria at ang kanyang inawit ay mga Broadway songs.
Gayon na lang ang paghanga sa kanya ng mga manonood at hurado kaya siya ang nagtsampiyon sa timpalak na nilahukan ng daan-daang mang-aawit sa buong mundo.
Isang umaga ay sumagsag sa aming kamalayan ang makata at premyadong Palanca sa pagtula na si Ramil Degal Gulle at sinabing napanood niya sa Youtube ang isang Pinoy na mahusay sa Broadway songs na nagngangalang Vincent Bueno.
***
Kaya kumalat na sa buong daigdig na mahusay talaga ang Filipino.
Hindi naman nagpatumpik-tumpik sa pagkokomento sina Isay Alvarez at Robert Seña, ang mag-asawang beterana’t beterano ng “Miss Saigon” sa West End kung saan sila kinilala kasama si Lea Salonga bilang mga Pinoy na matatalento.
“Vincent is really good. Walang panama ang ibang singer. Mahusay siya lalo na sa kanyang song and dance. Bagay na bagay sa kanyang boses ang Broadway musicals. At kailangang mabibilis na kanta ang kanyang i-perform dahil mahusay siyang magsayaw,” puna ni Isay na gumanap ng Gigi sa produksyon ng “Miss Saigon” ni Cameron McKintosh.
“Bilib kami kay Vincent. Malayo ang kanyang mararating. Actually, maraming mga Filipino singers na kasali sa mga ‘Miss Saigon’ productions sa Europe na sumasali sa mga contest na tulad n’yan pero si Vincent lang ang nagkapalad,” wika ni Robert.
Hindi magkandaugaga sina Isay at Robert sa paghahanap ng video ni Bueno na kumakanta kaya ginalugad nila ang Youtube, ang abs-cbnnews.com at ang digitalpinoy.org para malaman ang birtud ni Vincent at nang matiyempuhan nila ay nagdownload agad at pinakinggan, ninamnam, pinanood ang bidyo.
***
Pati si Dulce ay napapasigaw sa pagmamalaki na heto na naman ang isang talentong Pinoy na maipagmamalaki sa buong mundo.
“Maligaya ako at nagkakaroon tayo ng mga ganyan,” wika ni Dulce na beterana na rin sa mga paligsahan sa ibayong-dagat na nag-uuwi ng karangalan para sa Pilipinas.
Para na ring binakas ni Dulce ang kanyang pagsali sa Hong Kong Song Festival noong mga 1980s nang pagwagihan niya ang unang gantimpala para sa kanyang mataginting at pagsyonatang pagbibigay-buhay sa awiting “Ako Ang Nagwagi.”
Ngayon ay abala si Dulce bukod sa pagkanta sa kanyang national renewal na programa para sa kanyang simbahan. “Ang akala nga ng mga tao ay weirdo ako dahil sa ganito na nagbabasbas ako ng mga kasangkapan para ma-renew ang isang lugar o isang tao,” pahayag ni Dulce.
Pero matinung-matino ang kanyang pag-iisip at pagkilos batast siya ay nagmamahal sa kapwa at sa Diyos.
***
Samantala, inaalok ni direktor Jowee Morel (ang lumikha ng kontrobersyal na “Mga Paru-Parong Rosas (Pink Butterflies),” “Moma,” “Mona, Singapore Escort” at “When A Gay Man Loves”) si Jao Mapa ng isang mahalagang papel sa pelikulang “Latak” na tumatalakay sa drug withdrawal.
Ngayon ay masidhi ang pagbabalik sa aksyon ni Jao maula nang iwan niya ang showbiz at magpatuloy ng pag-aaral at mapinta, At mag-asawa na rin.
Hindi pa nagkakasundo sa presyo sina Jowee at Jao pero gustung-gusto ng batang aktor ang kanyang papel na bading na durugista. Payag siyang maghubad para sa sining.
Mas bata ngayon si Jao kahit tatlo na ang kanyang anak.
Nagka-painting exhibit si Mapa kasama sina Raven Villanueva at Maegan Aguilar sa Enzo Gallery sa Greenhills noong Lunes.
Acrylic ang mga materyal ni Jao at nakapako siya sa sining.
***
Si Jessica Rodriguez ang namamahala ng career ni Mapa ngayon.
Hindi ba siya apektado na kinakasuhan si Jessica at ang kanyang asawang si David Bunevacz ng “embezzlement” o paggamit ng halaga ng ari-arian ng isang kinabibilangang establisimiyento dahil sa umano’y paggamit ng manlalaro ng tseke ng kumpanya sa pambili ng isang mamahaling kotse para iregalo kay Rodriguez noong kaarawan nito noong isang taon?
“Hindi naman po. Kasi, nang magpirmahan kami ng kontrata, kasyang-kasya, lumabas ‘yong controversy. Pero bale-wala sa akin ‘yon. Naniniwala ako na iba ang talent management sa networking nila,” katwiran ni Jao.
Nagtayo ng aesthetic clinic, ang Beverly Hills 6750 sina David at Jessica kung saan ang estilo ng pagsosyo ay networking. Nagreklamo ang mga kasosyo o investor nila nang mabalitaan na ang ipinambili ni Bunevacz ng kotse ay tseke ng kumpanya.
Sinabi ng alaga ni Jessica na makakabalik na sa Pilipinas ang mga Buenvacz at magpapaliwanag tungkol sa alingasngas.
“Alam ko na malulusutan din nina Jessica ‘yan. Mahusay si Jessica,” papuri ni Jao.
***
Imbitado nga pala Turin International Film Festival sa Italy ang “Mga Paru-Parong Rosas (Pink Butterflies)” ni Morel kaya naman nananabik na siya na makapunta sa Europe at makipagsosyalan sa mga alagad ng sining sa mundo.
Sinabi ni Morel na nakatanggap siya ng imbitasyon sa pamamagitan ng kanyang coproducer na si Simon Luckin mula sa organizer ng glfq Turin Int’l Filmfest na si Flavio Armoni.
“Bilib na bilib ang mga Italian sa ganda ng ‘Mga Paru-Parong Rosas.’ Hindi ibig sabihin nito ay pinupuri ko ang aking gawa. Sinasabi ko lang ang feedback ng international community,” pahayag ni Jowee na ngayon pa lang ay naghahanda na sa kanyang pag-alis patungo sa Turin.
***
Sa wakas ay ipinadlak na rin ng mga tauhan ni Bingbong Crisologo ang puwesto ng Lady Inventor na si Etta Velonza sa Criscor Building sa may panulukan ng Scout Reyes at Quezon Avenue sa Quezon City.
Ito ay pagkatapos na hindi makabayad si Etta, ang imbentor ng skin whitening powder na Etta. Nang halos dalawang taon.
Biyak ang puso na nilisan ni Velonza ang kanyang klinika sa loob ng halos labindalawang taon.
“Mahina ang negosyo kaya hindi ako nakabayad kay Bingbong,” pahayag ni Etta.
Kamakailan ay nag-jogging siya nang maaga at naiwan ang kanyang alalay sa loob ng shop nang biglang sarhan ng mga tauhan ni Crisologo ang inuupahan ni Etta, ang beauty expert na may pagkaunano.
Nang bumalik si Etta sa kanyang shop ay sarado na ito sa labas at nasarhan ang kanyang kawaksi kaya tumawag siya ng pulis at tulong. Nabuksan naman ang pinto pero hindi na nakapasok si Etta bagkos ay pinalabas na lang ang kanyang katulong na nakulong sa loob ng anim na minuto.
***
Nagbalik si Etta sa Elvinda Subdivision sa San Pedro, Laguna sa piling ng kanyang mga anak at kaanak.
Maluha-luha si Etta dahil napamahal na sa kanya lugar pero wala siyang magawa nang harangan na siya ng mga katiwala ni Bingbong ng lumang generator set.
Ngayon ay tuluyan nang nakatabing ng puting tarpaulin ang Etta’s International Cosmetics.
Alam ba ninyo na nauna pa si Etta sa larangan ng pagpapaganda sa mga Joel Mendez, Ellen Lising, Vicki Belo, Pie Calayan, Jessica Rodriguez, Manny Calayan at iba?
Nagtapos si Velonza sa Realistic Institute noong 1967 at nagwagi siya ng kanyang whitening powder sa Geneva, Switzerland.
Leave a reply